“I love you more than a friend too!”
Tumigil ang mundo ko ng sinabi niya ang mga katagang iyon. Parang may biglang tumulak sa akin pero hindi pa naman ako umaalis sa aking kinatatayuan, parang may nagbuhos ng isang baldeng malamig na tubig sa aking katawan at sa isang saglit napansin ko na lamang na biglang tumigil sa pagtibok ang aking puso. Kasabay nito, parang isang mabilis na tren, nagbalik ang nakaraan na parang kahapon lamang. Lahat ng pangyayari, maling akala, mga sirang pag-asa, walang kamatayang pagmamahal, paghintay at ligaya.
Anong nararamdaman ko? Limang Segundo. Ano kamo? Mahirap ipaliwanag pero sasabihin ko sayo kung anong naramdaman ko sa limang Segundo matapos niyang sabihin sa akin iyon.
Unang Segundo (PAGKABIGLA)
Naasar ako sa sarili ko kung bakit ko pa naisipang itanong sa kanya ang mga bagay bagay na katulad na iyon na alam ko namang matagal ng nabaon sa limot, pero ewan ko ba, gusto ko kasing malaman…nanlalamig ang mga kamay ko habang naghihintay sa kanyang sagot.
At nang malaman ko na nga…ayun, parang tanga lang akong natigilan, alam ko may nararamdaman na rin kasi ako dati pa pero hindi ko akalaing totoo pala ang aking hinala, malay ko ba?? Akala ko kasi nagiilusyon lang akong mahal nga niya ako.
Ikalawang Segundo (ASAR)
Sinabi niya na mahal niya ko pero sa panahong di ko na kailangang marinig na mahal nya ko dahil wala ng saysay kumbaga at ang tanging rason lamang ng pagsabi niyang iyon ay upang ipaalam sa akin na oo, minahal niya rin ako.
Asar dahil sinabi ko na sa kanya dati, oo, umamin ako sa kanyang mahal ko sya pero hindi naman sya umamin sa akin dati, naguho ang buong mundo ko nun…oo lumuwag nga ang pakiramdam ko dahil napaalam ko sa kanyang mahal ko sya, pero syempre, masakit ding malaman na di kanya mahal di ba? Naghihintay kasi ako na umamin din sya sa akin, para sa akin kasi, senyales na yon para magpakatotoo kame sa aming nararamdaman kung pareho nga kame ng saloobin, pero di sya umamin, senyales din yon para sa akin na ngi-ilusyon lang ako na mahal niya rin ako at sumang-ayon na rin ako sa sinabi ng aking kaibigan na “in-love lang ako sa thought na in-love ako”.
Hinayaan niya lang akong maging miserable, hinayaan niya kong magdusa sa kanyang ala-ala, umiyak ng dagat at di makatulog sa kaiisip gayong alam niya namang tanging siya lang ang aking tanging gamot!
Ikatatlong Segundo (PANGHIHINAYANG)
Sinong tanga naman ang hindi manghihinayang hindi ba? Lumagpas sa palad mo ang isa sa maraming pagkakataon na maging tunay na maligaya dahil lamang sa simpleng rason na wala syang lakas ng loob para ipaglaban ang iyong nararamdaman hindi ba?
Sinabi niya na isa sa mga rason kung bakit hindi niya sinabi ay dahil natatakot siyang masaktan niya ko. Nakakatawa. Sinabi ko sa kanya, ang tanging bagay lamang na nagbigay pighati sa akin ay ang iyong paglayo. Kung alam niya lang kung anong handa kong talikuran at ibalewala para sa kanya dahil alam ko sa sarili ko na ang naramdaman ko para sa kanya ay isa sa pinakamalalim na pede kong maramdaman para sa isang tao.
Ika-apat na Segundo (GALAK)
Natuwa ako dahil napatunayan kong marunong talaga akong maghamahal at hindi lang ako nagi-ilusyon, na ang aking mga kutob ay may katwiran din pala…may nadulot na kabutihan ang pa gamin niyang ‘yon dahil hindi napunta sa wala ang pagmamahal ko sa kanya dati, na hindi naman pala basta basta lang tumatalsik ang pagmamahal ko sa isang pader at bumabalik lang sa akin, minahal niya din ako…
Ikalimang Segundo (KAPAYAPAAN NG ISIP)
Pinagnilay nilayan ko ang lahat ng nangyari sa amin dati, sino bang may kasalanan? Sinong nagkulang? Pinaglaban ko ba ng sapat ang naramdaman ko sa kanya? Sinabi ko ba ang mga dapat ko talagang sabihin? Tama na ba talaga yun? Para sa akin, sapat na sa akin yon. Kung meron mang nagkamali, sa opinyon ko ay sya na yun. Wala akong pinanghihinayangan kung minahal ko man sya o hindi, kung nagkatuluyan kame o hinde dahil marami akong natutunan sa pagmamahal ko sa kanya…naging matapang ako, mas matatag at mas nakilala ko ang aking sarili. Kung meron mang dapat manghinayang, siguro ay siya na yun, dahil di niya ko hinayaang mapakita kung gaano ko sya kamahal at kung gaano sya kahalaga, haha..ang kapal nuh??!
Ang totoo niyan, walang dapat sisishin dahil hindi na mahalaga kung sino ang nagkamali, nagkulang o naduwag dahil ang mga bagay na tulad nito ay parte ng ating buhay na siyang kailangan natin upang matuto. Ang mahalaga ay kung paano natin ito gagamitin sa kasalukuyan o kinabukasan. Natutunan ko na kung may nararamdaman akong matindi para sa isang tao, hindi ko na ito itatago...ipaglalaban at isisigaw ko ito sa buong mundo, wala na akong paki sa aking pride o kung ano mang kahihinatnan dahil ang mahalaga ay sinubukan mo sa lahat ng iyong makakaya na ipaalam sa taong mahal mo kung gaano siya kaimportante sayo!
Napayapa ang isip ko dahil nasaran ko na ang isang parte ng buhay ko na palagi lamang nakabukas dati dahil hindi ko pa nalalaman ang katotohanan, kaya salamat sa iyong katapatan, malaking bagay iyon para sa akin at nagagalak akong kaibigan pa rin kita hanggang ngayon.