Friday, June 16, 2006

...kaguluhan sa bundok...


Noong Biyernes Abril 21, 2006, ginanap ang mataimtim na seremonya ng pagtatapos ng batch 2005-2006 ng mga mag-aaral ng Cavite State University. At kabilang sa mga panauhing tagapagsalita ay ang ating butihing presidente na si Gloria Macapagal-Arroyo. Siya ay malugod na pumayag sa imbetasyon ng administrasyon ng unibersidad upang magbigay ng talumpating magbibigay inspirasyon sa mga magsisipagtapos nguni’t sa kalagitnaan ng kanyang paglalahad ng kanyang mensahe ay may isang mag-aaral na nangahas ng nagtaas ng isang pulang banner na nagsasabing “No To Cha-Cha!”. Ang buog tao ay nangahimik, bagama’t napansin ng presidente ay tila dinedma na lamang niya ito. Pinuntahan ng mga pulis ang nasabing mag-aaral na nakilala bilang si Theresa Panganiban at hinablot nila ang banner na iyon upang hindi na madagdagan pa ang komosyon. Nguni’t sa likod naman ng mga nanonood ay may dalawang taong ganun din ang ginawa, dito na napatigil ang presidente. Umaksyon agad ang mga pulis at agad na kinuha at kinausap ang mag naglabas ng banner. Bagama’t may mga nangyaring kaguluhan, natapos naman ang nasabing pagtatapos pero dahil na rin sa kaguluhang yaon ay napilitan ang mga pulis na manigurado sa seguridad ng presidente kaya ang bawat mag-aaral ay kinapkapan at ang mismong nagtaas ng banner ay may escort pang pulis na umakyat sa stage sa pagkuha ng kanyang diploma.

Ang naturang estudyante? Ay isang Mass Communication graduate at aming presidente ng Central Student Government o CSG. Siya ang aming presidente na aming binoto dahil alam naming karapatdapat siya at may kakayahan sa pamumuno. Magaling siyang magtimbang ng salita at ipadama sa nakararami ang kanyang naiisip. Bilang isa sa mga bumoto sa kanya, hindi ako nagkamali. Hanga ako sa kanya! Sa tapang at determinasyong ipinakita niya roon. Marahil ang iba ay sasabihin na ikinakahiya nila siya dahil minsan na nga lang matelevise ang school naming nasa bundok ay sa isang eskandalo pa kung saan naipakita na parang bastos at walang modo ang mga estudyante. Marahil may punto sila, pero ano nga ba ang ginawa niya? Isang krimen ba iyon upang ikahiya? Para sa akin, walang mali sa ginawa niya. Sang-ayon ako sa sinabi niya na walang pinipiling oras ang paglalahad ng hinaing. Isang demokratikong bansa tayo, may karapatang sabihin ang sariling hinaing at opinion! Samakatwid, ang kanyang ginawa ay hindi labag sa batas kung hindi isang simpleng pagsusulit lamang sa karapatang ibinigay sa bawat mamamayang Pilipino. Saludo ako at humahanga sa kanya dahil matapang niyang ipinarating ang kanyang saloobin at hindi inalintana ang mga pulis o ang magiging hatol sa kanya ng administrasyon ng paaralan. Siguro marahil ang iniisip ni GMA kaya siya pumayag na dumalo sa pagdiriwang ay akala niya na ang mga batang naroroon ay mga inosente at walang alam sa nangyayari sa mundo. Sa tulong ni “There” masasabi kong malinaw niyang naipahiwatig na tayong mga estudyanteng taga CvSU ay may alam din at may pakialam sa nangyayari sa ating bansa. Dapat siyang tularan ng mga kabataan, isang may pakialam sa kahihinatnan ng ating bansa at di natatakot ipahayag sa nakatatas ang kanyang opinion. Di tulad ng ibang kabataang walang pakiaalam sa mga nangyayari sa paligid at walang inatupag kung hindi ang manood ng sine, mag-internet, maglaro at gumala. Panahon na para kumilos at makialam mga kaibigan…sana maging parte rin tayo ng bansang ito at maging aware tayo sa nangyayari sa ating bansa. Patunayan natin ang sinabi ni Jose Rizal! Tayong mga kabataan ang pag-asa ng ating bansa! Mabuhay tayo!

Basta, ako bilang isang estudyante ng unibersidad na ito, proud akong may dugong CvSU pa ring nananalaytay sa akin!

No comments: