“Kasama ko ang mga bituin,
Ang lamyos ng hanging nanghahalina,
Ang mapangalaw na sinag ng buwan…”
Kumuha ako ng isang malalaim na buntong-hininga, bago pumasok sa loob at pinagmasdan ang apat na sulok ng kwartong pinaglipasan ko ng oras upang limutin ang sakit ng kahapon. Kirot at pait na dati’y sadyang nakalimutana’y unti-unting umaantig sa aking katauhan. Dinidilig ng animo’y alcohol ang sugat na di pa tuluyang naghihilom.
Sumilip ako sa durungawang upang panandaliang matakasan ang nakasasakal na aura ng nakaraan. Tandang tanda ko pa…dito, sa silid na ito nahulma ang kalahati ng aking pagkatao. Nabuo dito ang mga pangarap, galak, galit at minsa’y may hatid na mga luha. Dito, sa kwartong ito, bagama’t maliit ay nagkasya ang mga malalaking ambisyon ko para sa aking sarili. Bagama’t manipis ang mga kahoy na nagsisilbing haligi’y hindi kailanman nauulinigan ang hiyaw ng pagkabigo at siphayo. Walang espesyal sa kwarto ko, walang telebisyon o radyo pero meron namang bentilador na humuhupa sa init ng ulo’t tumutuyo sa mga luhang sinasalo ng aking unan.
Pero alam mo ang pinakapaborito kong lugar sa aking kwarto? Ang aking durungawan. Malaki ito at gawa sa mga kahoy na bumubuo sa karaniwang mga bahay noong mga panahon ni Rizal. Ang aking durungawan, bintana at salamin ko sa katotohanan ng mundo. Isang malaking “nebolizer” at sanktwaryo ko sa lahat ng problema at pangamba. Natatanaw at naabot ko ang kalangitan sa tuwinang titingin rito. Lalo na pag gabi, nakatutuwang pagmasdan ang mga bituin na nangingislap at waring nangungusap.
Ang mga talang iyon ay ang nagpapawi sa aking lumbay…tila isang kaibigang nanganganlong at yumayakap sa humihikbing nilalang. Ang kwartong ito, bagama’t maliit ay kapipintahan ng napakaraming ala-ala.
(an excerpt from d story im writing...di pa tapos kea d mxado nagtutugma yung contents at title)
No comments:
Post a Comment